AWITIN MO!

Di ba minsan gusto mong kumanta ng malakas na malakas?  Yung kahit wala sa tono, kahit di mo abot ang matataas na nota, sige birit lang ng birit.  Bahala na si batman kung mukha kang tanga.  Basta isigaw mo, kesehodang naiirita na ang mga katabi mo tuwing hinahataw mo ang “To Love You More” o kaya isang makabagbag damdaming “Touch Me in the Morning” sige lang.  Kasi ang sarap.  Pag may problema kang hindi mo maintindihan, o kaya, malungkot ka, sige hataw ng kanta.   Kung gusto mong i-iyak ang problema mo, kantahin ang “Kahit Isang Saglit” o kaya “Dadalhin”.  Kung gusto mo namang matuwa, para makalimutan ang problema, pwedeng kumanta ng “Spaghetti” o mag- “Otso-otso” ka kaya?

Kung nasa tamang pag-iisip ka, sige, mag-disco tayo.  “Last Dance” ba? O “Breakout”?  Kung gusto mong matuwa, mag-Apo, “Blue Jeans”, “Ewan” o kaya “Pumapatak ang Ulan.”  Pwede din namang mag-paka jukebox beauty ka.  Merong “Tukso”, “Sang Linggong Pag-ibig” o kaya “Bakit Pa?” para di naman masyadong luma, konti lang. 

Piliin mo kaya yung kanta na may ibig sabihin.  Yung mga theme song ng buhay mo.  Damang-dama mo pa ang mga lyrics di ba?  Minsan, may nalalaman ka pang hikbi.  “Bakit Ngayon Ka Lang?” ba ang kanta niyo?  O “Sana’y Wala nang Wakas”.  Isa ngang madamdaming “Kung Ako na Lang Sana”? O kaya, pwede din, kung talagang malalim ang pinanggagalingan, isang “I Will Survive” diyan.   Para kahit ikaw maniwala, na kahit na anong mangyari, kaya mo. 

Minsan talaga, para maaliw, para matawa, para matuwa, para mapawi ang mga problema, kahit ilang minuto lang, ang sarap ikanta.  Para kahit na sa ilang minuto na yon, ang iniisip mo lang yung lyrics, yung tono, kung abot mo ba o hindi.  Para kahit sa ilang minuto na yon, di mo kailangan gawin ang trabaho o hanapan ng solusyon ang mga problema.  Minsan talaga, ang sarap kumanta. Di ba?


Leave a comment